News LightLatest News

Iba’t ibang grupo at sektor, nagsagawa ng kilos-protesta sa Liwasang Bonifacio at Mendiola | News Light

Nanawagan ang iba’t ibang grupo na managot ang lahat ng sangkot sa katiwalian sa pamahalaan sa ginawang protesta sa Liwasang Bonifacio at Mendiola kahapon.

Newslight · · 2 min read
Photo courtesy of Sinagbayan – Sining na Naglilingkod sa Bayan

Nanawagan ang iba’t ibang grupo na managot ang lahat ng sangkot sa katiwalian sa pamahalaan sa ginawang protesta sa Liwasang Bonifacio at Mendiola kahapon.

Nilahukan ng mga estudyante, mga women’s groups, at church-based organizations ang “Araw ng Paniningil” ng mga uring magsasaka mula pa sa Calabarzon, Pampanga, Bulacan, Nueva Ecija, at Negros provinces.

Ayon kay Danilo Ramos o Ka Daning, ang pinuno ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, isang peste sa mga magsasaka ang pangangamkam ng lupa at pagpapahirap sa kanila ng gobyerno; wala pa rin umano silang makain o maipanggastos sa pagsasaka habang bilyon-bilyon ang ibinulsang pondo para sana sa farm-to-market roads at flood control projects.

Pinagigiba at pinatatanggalan din ng pondo ng mga protestante ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na walang habas na nagsasagawa ng red-tagging at pangha-harass sa mga magsasaka at aktibista sa kanayunan.

ADVERTISEMENT

Sa pamamagitan din ng mga talumpati, pagkanta, at pagsayaw idinaan ng mga nagpoprotesta ang iba pa nilang panawagan—kabilang ang paglalabas ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ng resulta ng kanilang imbestigasyon bilang tanda ng transparency at accountability.

Nagtapos ang programa sa pagtataas ng watawat ng mga organisasyon bilang sagisag ng sama-samang pagtindig kontra katiwalian at hindi pagtigil hangga’t walang napapanagot. (Denniel Salayo/ News Light)

What do you feel about this article?