Iimbestigahan ng Department of Health (DOH) ang pagbubukas ng super health center sa Antipolo na natengga ng isang taon matapos makumpleto at makatanggap ng pondo.
Sa pagbisita ni Ted Herbosa sa nasabing health center, napag-alaman na dati itong naka-padlock at hindi operational.
Hinala ng kalihim, minadali itong buksan dahil natunugan ang pagbisita nito.
Sa tala ng DOH, nasa ₱11.4 milyon ang naitulong ng ahensya para sa facility completion at natapos na ang pagtatayo noong Hulyo 2024.
Nagpadala na rin umano ang ahensya sa lokal na pamahalaan ng mga equipment na nagkakahalaga ng ₱7 milyon.
ADVERTISEMENT
Inamin naman ng lokalidad ng Antipolo, sa kaparehong araw lamang ng pagbisita ni Herbosa kasabay nilang binuksan sa publiko ang health center.
Ngunit depensa nila, hindi itinaon sa pagbisita ni Herbosa ang pagbubukas at sadyang hindi pa talaga handa ang health center kaya non-operational pa noon.
Sa ngayon, partially operational pa lamang ang health center at kabilang sa 200 na super health center na irereport ng DOH sa Independent Commission for Infrastructure upang maimbestigahan.


