Inanunsyo ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na ayaw nang makipagtulungan ng mga kontratistang sina Sarah at Curlee Discaya sa imbestigasyon hinggil sa maanomalyang flood control projects.
Ang dahilan, ayon kay ICI Executive Director Brian Keith Hosaka, ay iniisip ng mag-asawa na kung makikipagtulungan sa ICI, makakakuha sila ng “favorable recommendation” mula sa komisyon upang maging state witness.
Ayon kay Hosaka, nag-invoke ng right to self-incrimination ang mga Discaya base sa rekomendasyon ng kanilang counsel.
Binanggit, aniya, ng mag-asawa ang pahayag ni ICI member at dating Public Works Secretary Rogelio “Babes” Singson na hindi niya kinokonsidera upang maging state witness ang mga kontratista maging ang mga dating DPWH Bulacan official na sina Brice Hernandez at Henry Alcantara.
Sa paniniwala naman ni Hosaka, ito ay personal na opinyon ni Singson at hindi ng kabuuang komisyon.
ADVERTISEMENT
Nang kunin ang pahayag ng Ombudsman hinggil sa desisyong ito, iginiit ni spokesperson Mico Clavano na “misguided” ang mag-asawang Discaya at ang pakikipagtulungan sa pamahalaan ang tanging nilang opsyon sa ngayon.
Siniguro naman ni ICI Executive Director Hosaka na magpapatuloy pa rin ang imbestigasyon ng ICI at gagamitin pa rin ang mga ebidensya, testimonya, at affidavits ng mga Discaya mula sa mga nagdaang pagdinig.


