Umalis sa Madagascar ang presidente nitong si Andry Rajoelina noong Oct. 13, matapos ang kilos-protesta ng mga kabataan.
Sa pahayag ni Siteny Randrianasoloniaiko, ang pinuno ng oposisyon sa parliament, iniwan ni Rajoelina ang bansa matapos bumaliktad ang mga sundalo at sumama sa mga raliyista.
Depensa naman ni Rajoelina sa address to the nation nito gamit ang Facebook, pumunta lamang umano siya sa ligtas na lokasyon para protektahan ang sariling buhay.
Hindi rin nito binanggit ang kanyang kinaroroonan, ngunit aniya, hindi niya hahayaang masira ang Madagascar.
Hindi rin pumayag ang presidente na bumaba sa kanyang pwesto, at wala pang pahayag ang kanyang opisina.
ADVERTISEMENT
Sumiklab ang mga pagkilos noong September 25 dahil sa kakulangan sa tubig at kuryente sa bansa, na tumulay sa rebolusyong bunsod ng mas malalalim na mga isyu gaya ng korapsyon, kawalan ng maayos na serbisyo, at depektibong pamamahala.
Nasa 22 katao na rin ang namatay sa sagupaan ng mga raliyista at awtoridad mula noong Setyembre, ayon sa United Nations. (Denniel Salayo/ News Light)

