Maaari nang humiling ng pag-aresto anumang oras ang International Criminal Court laban kay Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa habang sinusuri nito ang kalusugan ni dating Pang. Rodrigo Duterte.
Sa isang panayam kay ICC-accredited assistant to counsel na si Kristina Conti sinabi ni Conti na handang ipaaresto ng ICC ang mga kasama ni Duterte sa war on drugs kabilang si Dela Rosa, na noon ay hepe ng PNP at itinuring isa sa mga “pinakamananagot” sa mga umano’y crime against humanity.
Ipinagpaliban ng ICC ang pagdinig para sa confirmation of charges ni Duterte noong September 23 matapos igiit ng depensa na hindi ito fit na humarap sa paglilitis.
Tinatalakay na ng ICC ang mga resulta ng medical test at evaluation kabilang ang psychiatric report ni Duterte para malaman kung kaya pa nitong humarap sa hukuman.
ADVERTISEMENT
Ayon kay Conti, posibleng magpatuloy sa January o February 2026 ang pagdinig matapos ang mga posibleng appeal ng depensa at holiday recess ng korte.
Gayunpaman, binigyang-diin ni Conti na ang confirmation of charges ay hindi pa ang simula ng trial kundi ang yugto kung saan pag-uusapan pa lamang ang mga sakdal laban sa dating pangulo.

