Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon sa mga maanomalyang flood control projects, nasa 15 hanggang 20 kaso hinggil sa mga “ghost” na proyekto ang planong isampa ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa mga susunod na linggo.
421 sa 8,000 na flood control projects kasi ang suspected na ghost o hindi ginawa, ayon sa inspeksyon at validation ng Department of Public Works and Highways, Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, at Department of Economy, Planning, and Development in the Philippines.
Mula 2016 hanggang 2025, mayroong 29,800 na flood control projects na nakatala.
Ayon kay ICI executive director Atty. Brian Keith Hosaka, sa paunang 8,000 na proyektong sinuri na dapat ginawa mula 2018 hanggang 2024, 261 ang ghost flood control projects sa Luzon, 109 naman sa Visayas, at 51 sa Mindanao.
Matapos ang initial field evaluation para alamin kung ginawa ang proyekto o hindi, magsasagawa na ng technical inspection at audit ng documentation para sa case build-up at complete case documentation.
ADVERTISEMENT
Kasunod nito ay ang paghahain ng kaso sa Ombudsman, na susundan ng paghingi ng immigration lookout bulletin order at referral sa Anti-Money Laundering Council, Civil Service Commission, Professional Regulatory Commission, at Insurance Commission.
Nangako naman ang ICI na susuriin ang natitirang mga flood control projects at gumagawa sila ng paraan upang mapabilis ang imbestigasyon at pananagutin ang mga sangkot sa anomalya.



