Naku po mga ka-A2Z, magbabayad po ng mas mataas ang mga konsyumer ng Meralco ngayong buwan ng Oktubre dahil sa mahinang palitan ng piso laban sa dolyar na nagpataas sa generation charge.
Ayon sa Meralco, binibili sa dolyar ang mga fossil fuel na ginagamit sa mga powerplant kaya sensitibo ito sa galaw ng palitan.
Sa abiso ng power company, may taas na ¢23 sa kada kilowatt hour ng konsumo ng kuryente.
Dahil dito, may dagdag na P47 para sa mga kumukonsumo ng aabot ng 200 kilowatt hour.
Habang papalo naman sa P70 ang madadagdag sa singil sa kada 300 kilowatt hour na konsumo.
P93 naman sa mga kumokonsumo ng 400 kilowatt hour.
ADVERTISEMENT
Habang P117 naman sa mga kumukonsumo ng 500 kilowatt hour.
Gayunpaman, bagamat aminado ang meralco na tumaas ang generation charge dahil sa mahinang palitan ng piso laban sa dolyar nabawasan pa anila ito dahil sa mas mababang singil sa wholesale electricity spot market o WESM.
Ayon sa Meralco, bumaba ng mahigit 2 pesos kada kilowatt hour dahil sa pagbaba ng demand sa Luzon ng halos isang libong megawatt.

