News LightLatest News

Mahigit ₱10 bilyon, nasayang dahil sa overpricing ng mga farm-to-market roads | News Light

Ibinunyag ni Senate committee on finance chairperson Sherwin Gatchalian kahapon na nasa ₱10.3 bilyon ang nawala dahil sa sobra-sobrang presyo para sa mga farm-to-market roads (FMR) noong taong 2023 at…

Newslight · · Updated · 2 min read

Ibinunyag ni Senate committee on finance chairperson Sherwin Gatchalian kahapon na nasa ₱10.3 bilyon ang nawala dahil sa sobra-sobrang presyo para sa mga farm-to-market roads (FMR) noong taong 2023 at 2024.

Sa pagdinig ng komite hinggil sa budget ng Department of Agriculture (DA), naalarma si Gatchalian sa aniya’y “extremely overpriced” na mga kalsada; kasama na umano rito ang pagsesemento ng Brgy. San Roque FMR Phase 2 sa Tacloban City, Leyte na nakita sa 2024 General Appropriations Act—pumatak na ₱348,432 ang kada metro nito.

Dagdag ng senador, puwede nang makagawa ng two-lane na daanan mula Maynila hanggang Aparri ang halagang ito; halata na rin umanong may nangyaring korapsyon.

Ani DA Secretary Francisco Tiu Laurel, dapat ay ₱10 milyon lamang ang kada kilometro ng straight roads at hindi ₱15 milyon gaya ng inilagay ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Tinanggi naman niyang sakop ng kanyang pamumuno ang konstruksyon, dahil tapos na ang bicam noong siya’y umupo.

Naging suhestiyon ni Gatchalian na bawasan ng ₱5 bilyon ang naunang ₱16 bilyon na proposed budget ng DA.

ADVERTISEMENT

May dalawa rin umanong puwedeng puntahan ang perang para sana sa FMR: mapunta sa ibang gastusin ng DA o ipagawa ang mga FMR sa ahensya basta’t siguradong matatapos ito.

Tinanggap din ni Tiu Laurel ang kondisyon kalaunan, kung tiwala naman umano sa kanila ang Senado. (Denniel Salayo/ News Light)

What do you feel about this article?