Binuksan ng Department of Transportation (DOTr) at Marikina City LGU ang bagong public utility vehicle (PUV) stops at end-of-cycling facilities sa Marikina, kahapon.
Ayon kay DOTr acting secretary Giovanni Lopez, ito na ang magiging template ng mga PUV terminals para pagaanin at gawing ligtas at maginhawa ang biyahe ng mga komyuter, alinsunod sa bilin ni Pangulong Bongbong Marcos Jr.
Nais din ng DOTr na maging ligtas ang terminal para sa mga persons with disability (PWD), senior citizens, mga pasaherong buntis, pati na rin sa mga siklista na parehas na makikinabang sa pasilidad.
Kasama ni Secretary Lopez si Marikina City Mayor Maan Teodoro at Assistant Secretary at Land Transportation Office chief Vigor Mendoza sa pagbubukas ng mga PUV stops sa San Roque Park at Concepcion Elementary School. Bukod sa bike repair stations, may charging stations din ang mga binuong terminals.
Pakiusap naman ni Secretary Lopez sa mga siklista na maging responsable sa pagbabalik ng mga tools sa bike repair stations upang magamit din ito ng iba.
ADVERTISEMENT
Samantala, sa kapapasok lamang na balita, pansamantalang naglagay ng mga portalet sa Light Railway Transit o LRT-1 sa Vito Cruz, U.N. Avenue, at Pedro Gil Station ngayong araw.
Ito ay upang magamit ng mga pasahero ang mga pansamantalang palikuran sa mga nasabing istasyon. Nagpasalamat naman si Acting Secretary Lopez sa Light Rail Manila Corporation o LRMC sa agarang pagtugon at pagbibigay ng mga pansamantalang comfort rooms sa LRT-1. (Austin Gonzaga/ News Light)


