Madugo at marahas — ganyan mailalarawan ang nagpapatuloy na kaguluhan sa iba’t ibang bahagi ng Indonesia sa pagtatapos ng Agosto at pagpasok ng bagong buwan.
Kasalukuyang niyayanig ng malakihang protesta ang bansa matapos ang pagkamatay ng isang sibilyan sa kamay ng mga pulis.
Bitbit ng mga raliyista ang panawagan ng reporma sa kapulisan at mga reklamo hinggil sa mababang pasahod at marangyang pamumuhay ng mga opisyal ng pamahalaan.
Kaugnay nito, apat na ang naibalitang namatay sa gitna ng karahasan.
Bagamat wala pang naiulat na Pilipinong nadamay sa mga rally, mariin pa ring pinag-iingat at pinapayuhan ng Embahada ng Pilipinas at Consulate General na manatili sa kanilang mga tahanan ang mahigit anim na libong Pilipinong naninirahan at nagtatrabaho sa karatig bansa.
ADVERTISEMENT
Mananatili ang maigting na koordinasyon ng dalawang ahensya sa mga overseas Filipino workers at nakaantabay din ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa lumalalang sitwasyon. (Kent Bicol/ News Light)

