Inireklamo ang dalawang pulis sa Marikina matapos umano nilang molestiyahin ang kanilang babaeng kabaro noong gabi ng Agosto 17.
Ayon sa Eastern Police District (EPD), nagro-rounds ang tatlo nang mag-aya ang mga pulis na lalaki na magkape, at nang iparada raw sa isang lugar ang mobile, dito na nangyari ang pangmomolestiya.
Batay sa report ng babaeng pulis, ilang araw rin itong nag-ipon ng lakas ng loob bago nagpasya na magreklamo.
Kasalukuyan siyang inilipat sa EPD habang patuloy na iniimbestigahan ang pangyayari.
Samantala, ang dalawang pulis na may ranggong patrolman at staff sergeant ay agad na dinis-armahan at isinailalim sa restrictive custody ng Marikina police.
ADVERTISEMENT
Pinabulaanan naman ng mga ito ang paratang kaya babalikan ng mga awtoridad ang kanilang movement noong gabi kung kailan naganap ang insidente upang matukoy kung sino ang nagsasabi ng totoo.
Pahayag ni PBGen. Aden Lagdarante, district director ng EPD, kung magreresulta ang imbestigasyon sa sapat na ebidensya, agad na isasampa ang mga criminal at administrative charges laban sa mga sangkot. (Pink Feliciano/News Light)

