Planong ihain ni Senador Win Gatchalian ang panukalang ipagbawal sa mga proyekto ng pamahalaan ang pakikilahok ng mga kumpanyang dati o may kaugnayan sa mga kasalukuyang mambabatas.
Sa gitna ng imbestigasyon ukol sa maanomalyang mga flood control projects at iba pang infrastructure projects ng pamahalaan, lumabas sa mga datos na may kaugnayan ang ilang mambabatas sa mga kontratista ng pamahalaan.
“Kongresistang-kontratista” kung tawagin ng ilan, inihayag ni Senador Ping Lacson na nasa 67 ang miyembro ng Kamara na may kaugnayan sa kontratista ng mga proyektong pinondohan ng pamahalaan.
Kabilang dito si Ako-Bicol Party-list Representative Zaldy Co na dating nagmamay-ari ng Sunwest Inc., ang isa sa 15 kontratista ng flood control projects na nakakuha ng 20 percent ng pondo para dito.
Isa pang mambabatas na may kaugnayan sa kontratista ng pamahalaan ay si CWS Party-list Representative Edwin Gardiola na dating may-ari ng JSG Construction.
ADVERTISEMENT
Ang kumpanya ay isa sa top 10 contractors ng Department of Public Works and Highways mula 2000 hanggang 2008, ayon sa Philippine Center for Investigative Journalism.
Mula naman ang pahayag ni Lacson sa alegasyong inihayag ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ukol sa mga mambabatas na ginagamit ang mga kontratista bilang front upang makakuha ng infrastructure projects mula sa pamahalaan.

