Humiling ang Liga ng mga Barangay sa Pilipinas sa Korte Suprema na ibasura ang mga petisyon laban sa Republic Act No. 12232 na nagpapalawig sa termino ng mga kasalukuyang opisyal ng barangay at SK at nagtakda ng bagong iskedyul ng eleksyon sa Nobyembre 2026.
Ayon sa grupo, pinamumunuan ni Maria Katrina Jessica Dy ng San Fabian, Echaque, Isabela, may kapangyarihan ang Kongreso na magtakda at magpalawig ng termino ng mga naturang opisyal.
Iginiit ng abogado ng grupo na si Albert Agra na hindi ito tulad ng RA 11935 na simpleng nagpaliban lamang ng eleksyon noong 2022 at kalaunan ay idineklarang labag sa Konstitusyon.
Anila, malinaw na nakasaad sa Saligang Batas na nasa Kongreso ang kapangyarihan at tungkulin ukol dito, kaya’t walang batayan ang mga petisyong kumukwestyon sa nasabing batas.
ADVERTISEMENT
Samantala, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nilagdaan niya ang batas upang bigyang-daan ang Comelec na ituon ang pansin at resources sa kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections na nakatakda sa darating na Oktubre 13 at maiwasan ang pagka-overstretch ng ahensya kung isasabay pa ang BSKE sa Disyembre.

