News LightLatest News

Sistematikong korapsyon sa flood control projects, ibinunyag ni Senador Ping Lacson | News Light

"More than flood control, we badly need greed control." ’Yan ang binigyang-diin ni Senador Ping Lacson sa kanyang privilege speech kaugnay ng maanomalyang flood control projects sa bansa.

Carlene Latuna · · 2 min read

“More than flood control, we badly need greed control.”

’Yan ang binigyang-diin ni Senador Ping Lacson sa kanyang privilege speech kaugnay ng maanomalyang flood control projects sa bansa.

Ipinakita ng senador ang komprehensibong pananaliksik ng kanyang opisina hinggil sa aniya’y sistematikong korapsyon na nagaganap sa implementasyon ng bilyon-bilyong halaga ng mga flood control projects.

Unang binanggit ni Lacson ang nakalap nilang impormasyon ukol sa maanomalyang paghahati ng pondo ng mga proyekto sa mga taong humahawak nito.

ADVERTISEMENT

Bukod kasi sa allowable deductions, ang isang daang milyong pondo halimbawa ay matatapyasan pa ng komisyon, lagay, o kickback, na napupunta sa mga district engineer, Bids and Awards Committee, maging sa funder o ang project proponent, at sa politikong may kontrol sa distrito.

Dahil dito, apatnapung porsyento na lamang ang matitira sa implementasyon ng proyekto.

Gamit ang coordinates na nakasaad sa Sumbong sa Pangulo website, pinuntahan rin ng opisina ni Lacson ang iba’t ibang proyekto sa mga lalawigan. Base dito, tinawag niyang pinaka-notorious ang Bulacan sa dayaaan at korapsyon sa flood control projects.

Pinuntahan nila ang bayan ng Malolos, Hagonoy, at Bulakan at binigyang-diin ang tila guni-guni o ghost projects ng mga kontratistang Wawao Builders at Darcy and Anna Builders sa lalawigan.

ADVERTISEMENT

Kabilang sa napansin ng kanyang team ay ang pagkakapare-pareho ng allocated na pondo para sa iba’t ibang proyekto sa iba’t ibang lugar.

Bukod dito, nakasaad sa ilang proyekto na kumpleto na ang mga ito, ngunit nang pinuntahan ay walang bakas ng tapos na flood control projects.

Tanong ng senador: nasaan ang mga kontratista at nasaan ang mga proyektong pinopondohan ng pamahalaan?

Pinuri at pinasalamatan ng mga kasamahan nito sa Senado gaya ni Senate Majority Leader Joel Villanueva at Senate Minority Leader Tito Sotto ang imbestigasyon ng opisina ni Lacson.

ADVERTISEMENT

Sa huli, hinimok ni Lacson ang patuloy na malaliman pang imbestigasyon hinggil dito.

What do you feel about this article?