Nakumpiska ng pulisya ang tinatayang nasa kalahating bilyong pisong halaga ng hinihinalang shabu sa isang drug buy-bust operation sa Zamboanga City kagabi.
Higit kumulang 67 kilo ng umano’y ipinagbabawal na gamot ang narekober ng Regional Drug Enforcement Unit-9 sa isinagawang operasyon sa Barangay Bungiao.
Ayon sa police report, nagtangka pang tumakas ang suspek ngunit nabangga ang minamaneho nitong pick-up truck sa barrier ng kalsada dahilan upang maaresto siya ng pulis.
Sa hiwalay namang operasyon sa Barangay Canelar sa parehong lungsod, nakulimbat ang nasa 4 na kilo o ₱27 milyong halaga ng ilegal na droga umaga ng Martes.
Batay sa paunang imbestigasyon, dating miyembro umano ng Armed Forces of the Philippines ang itinuturong suspek sa buy-bust operation.
ADVERTISEMENT
Samantala, arestado din ang apat na itinuturing na “high-value target” sa dalawang magkahiwalay na operasyon sa bayan pa rin ng Zamboanga kung saan P18 milyong halaga ng shabu ang nabawi. (Kent Bicol/ News Light)

