Huli ang 15 motorsiklo, pitong jeep, dalawang bus, at isang truck sa roadworthiness inspection ng Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAIC) sa Magsaysay Boulevard nitong Lunes.
Ayon sa SAIC, karamihan sa mga pampubliko at pribadong sasakyan ay may mga paglabag gaya ng hindi pagsusuot ng helmet ng rider at angkas, pudpod na gulong, paggamit ng improvised plates, o sira ang brake lights.
Pahayag ng mga tsuper ng jeepney, wala pa umano silang sapat na kita para maayos o mapalitan ang kanilang mga sasakyan.
Hindi rin pinalampas ang isang “out-of-line” na bus na tinanggalan ng plaka matapos magsakay ng pasahero sa Cubao kahit nakasaad sa prangkisa nito na mula lamang sa Sorsogon hanggang Pasay ang ruta.
Giit ng SAIC, kahit araw-araw pa silang magsagawa ng inspeksyon ay marami pa ring sasakyan ang patuloy sa paglabag kaya mas hihigpitan pa nila ang mga susunod na operasyon.
ADVERTISEMENT
Binigyang-babala rin ng SAIC ang mga tsuper at motorista na lahat ng mahuhuli sa susunod na roadworthiness inspection ay irerekomenda sa LTO para sa masusing pagsusuri upang matiyak kung karapat-dapat pa bang pumasada sa mga pampublikong kalsada. (Pink Feliciano/News Light)

