Nagbabantang muling tataas ang farmgate price ng palay ngayong wet harvest season, kasabay ng hakbang upang matugunan ang nagbabagong panlasa ng mga mamimili sa kalidad ng bigas.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., nagsimula nang mag-recover ang presyo sa ilang lugar, kabilang ang Nueva Ecija kung saan umabot na sa ₱14 kada kilo ang wet palay, mas mataas kaysa sa presyo noong dry season.
Inaasahan pa ang pagtaas ng presyo pagsapit ng Setyembre, lalo na sa ilalim ng pansamantalang 60-day ban sa rice importation mula Setyembre hanggang Oktubre upang maprotektahan ang lokal na magsasaka.
Giit ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), dapat umabot sa hindi bababa sa ₱18 kada kilo ang presyo ng basang palay upang makabawi ang mga magsasaka, at hinimok ang pagbabalik sa 35% rice tariff mula sa kasalukuyang 15%.
ADVERTISEMENT
Bukod dito, iniatas ni Laurel sa DA na hikayatin ang mga magsasaka na magtanim ng high-yielding varieties na may magandang eating quality, upang mabawasan ang pag-angkat ng bigas at masunod ang panlasa ng mga Pilipino.
Patuloy pang tinutukoy ng ahensya ang mga partikular na variety na irerekomenda para sa susunod na cropping season.

