Hindi muna naglaan ang administrasyong Marcos Jr. ng pondo para sa cash assistance na Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP).
Ayon kay Department of Budget and Management Secretary Amenah Pangandaman, wala nang inilaan na pondo sa AKAP dahil sa limitadong pondo ng pamahalaan para sa 2026 national budget. May natitira pa rin aniyang pondo ang AKAP mula sa 2025 national budget.
Ang AKAP ay programang inilunsad ni House Speaker Martin Romualdez at Ako Bicol Representative Elizaldy Co noong 2023 para bigyang cash assistance ang mga below minimum wage earners at mga mahihirap na lubos na apektado ng inflation. Sa 2024 at 2025 national budget, nasa ₱26 bilyon kada taon ang inilaan para dito.
Kontrobersyal ang AKAP dahil ayon sa mga kritiko, mistula itong pork barrel at pinipili umano ng mga mambabatas kung sino ang bibigyan ng ayuda, bagay na itinanggi ng House of Representatives.
ADVERTISEMENT
Samantala, may pondo pa rin ang ibang cash assistance programs ng pamahalaan: nasa ₱113 bilyon para sa 4Ps, ₱11 bilyon para sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers o TUPAD, at ₱2.2 bilyon para sa Department of Labor and Employment’s Integrated Livelihood Program. Target ni Marcos Jr. na maabot ng ayuda ang nasa 4.4 milyong pamilya sa buong bansa.

