Dead-on-the-spot ang apat sa limang nasawi matapos sumalpok ang isang van sa steel barricade ng highway sa kahabaan ng Central Luzon Link Expressway (CLLEX) sa bahagi ng Tarlac City kahapon, araw ng Martes.
Agad isinugod sa ospital ang siyam pang sugatang pasahero na lulan din ng naturang sasakyan, ayon sa rumespondeng Philippine Red Cross.
Batay sa paunang imbestigasyon, bumangga muna sa perimeter fence at nagpagewang-gewang ang Hyundai van bago ito tuluyang sumadsad sa gilid ng kalsada.
ADVERTISEMENT
Sa lakas ng impact, tumilapon sa katabing damuhan ang mga sakay na trabahador at kanilang mga kaanak, kabilang na ang dalawang bata.
Samantala, ayon kay Police Lieutenant Colonel Renier Mercado, may tulin na 80 hanggang 100 kilometro kada oras ang closed van habang binabaybay ang CLLEX sa bahagi ng Barangay Balingcanaway, kung saan nangyari ang trahedya bandang alas-otso ng umaga.
Ngunit paliwanag ng nakaligtas na drayber, bigla na lamang daw nawalan ng kontrol ang kanyang minamanehong sasakyan na patungong Concepcion, Tarlac mula Cabanatuan City sa Nueva Ecija.
ADVERTISEMENT
Itinuturing naman ito ng Philippine National Police (PNP) bilang self-accident, dahil walang ibang nadamay sa nangyaring disgrasya.
Subalit maaaring humarap sa patong-patong na kaso ng reckless imprudence resulting in multiple homicide, multiple serious injury, physical injury, at damage to property ang tagapagmaneho kung mapapatunayang nagkasala.
Ayon sa huling ulat, patuloy pa ring tinututukan ng Tarlac Provincial Hospital at Jecsons Medical Center ang kalagayan ng mga nakaligtas, at sasailalim naman sa drug at alcohol testing ng PNP ang drayber. (Kent Bicol/News Light)
ADVERTISEMENT

