Siyam na buwan matapos na pagbantaan ni Vice President Sara Duterte ang buhay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., hindi pa rin pinawawalang-bahala ng punong ehekutibo ang mga banta sa kanyang buhay.
Sa panayam ng Indian news outlet na Firstpost kasunod ng kanyang official visit sa India, sinabi ni Marcos Jr. na nananatiling may banta sa kanyang buhay bilang pangulo kaya’t nananatili rin siyang maingat.
Hindi aniya tiyak kung talagang magagawa ni VP Sara na ipapatay siya, pero sineseryoso ng pangulo ang mga banta sa kanya.
Mababatid na noong Nobyembre 2024, bukod kay Marcos Jr., binantaang gaganti ang bise presidente kay First Lady Liza Araneta Marcos at House Speaker Martin Romualdez kung sakaling ipapatay siya ng mga ito.
Dahilan para lalong maghigpit ng seguridad ang Presidential Security Command, magsampa ng reklamong sedisyon at grave threat ang National Bureau of Investigation laban kay VP Sara.
ADVERTISEMENT
Isa ang assassination threat sa articles of impeachment na inihain ng Kamara laban sa bise presidente.
Paglilinaw din ng pangulo, wala siyang kinalaman sa impeachment case para mapatalsik ang dati niyang katambal.
Bagamat nagmamatyag ang punong ehekutibo sa paggulong ng impeachment case, maliit umano ang gampanin ng pangulo rito.

