PoliticsFeatured

Mga mambabatas, dismayado sa pag-archive ng Senado sa impeachment trial ni VP Sara | News Light

“Another nail in the coffin of accountability.” Ganyan inilarawan ni House Deputy Minority Leader at Akbayan party-list Representative Chel Diokno ang naging sesyon ng Senado nitong Miyerkules, matapos i-archive ng…

Jomar Villanueva · · Updated · 2 min read

“Another nail in the coffin of accountability.”

Ganyan inilarawan ni House Deputy Minority Leader at Akbayan party-list Representative Chel Diokno ang naging sesyon ng Senado nitong Miyerkules, matapos i-archive ng mataas na kapulungan ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Diokno, mas makabubuti sanang naghintay ang Senado sa magiging ruling ng Korte Suprema hinggil sa motion for reconsideration na inihain ng House of Representatives.

Mababatid na nagsumite ng mosyon ang Kamara matapos ideklara ng Korte Suprema na unconstitutional ang impeachment trial laban kay VP Sara.

ADVERTISEMENT

Ayon kay Akbayan party-list Representative Perci Cendana, ang hakbang ng Senado na i-archive ang impeachment trial ay “kahiyahiya” at isang “pagtataksil sa taumbayan.”

Para naman sa Makabayan bloc, duwag umano ang mga senador na sumang-ayon sa pag-archive ng impeachment trial.

Ayon kina ACT Teachers Representative Antonio Tinio at Kabataan Representative Renee Co, mas kinatatakutan at pinaglilingkuran ng Senado ang mga Duterte kaysa sa taumbayan.

ADVERTISEMENT

Sa kabila nito, sinabi ni House prosecution panel member at Manila Representative Joel Chua na hindi pa tapos ang laban upang mapanagot ang Bise Presidente, bagamat tinanggihan umano ng Senado ang due process na hinihingi ng taumbayan.

Si VP Sara ay humaharap sa impeachment dahil sa umano’y pagbabanta sa buhay ng dati niyang running mate sa halalan at ngayo’y Pangulong Ferdinand Marcos Jr., gayundin sa mga isyu ng katiwalian bilang Bise Presidente at dating kalihim ng Department of Education, at iba pa.

Samantala, sa kalagitnaan ng sesyon ng Senado nitong Miyerkules, nag-walkout ang mga miyembro ng ilang civil groups bilang pagtutol sa mosyon na i-archive ang impeachment trial.

ADVERTISEMENT

Nag-thumbs down ang mga miyembro ng grupong Tindig Pilipinas, Akbayan, Nagkaisa Labor Coalition, at Kalipunan ng Kilusang Masa sa naging hakbang ng Senado at nilisan ang Senate session hall.

Kabilang sa mga nag-walkout si Kiko Aquino Dee, isa sa mga convenor ng Tindig Pilipinas at apo nina dating Pangulong Cory Aquino at dating Senador Ninoy Aquino.

What do you feel about this article?