
Patay ang isang binata matapos pagbabarilin habang naglalaro ng computer games sa isang shop sa Brgy. Paradahan 2, Tanza, Cavite, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang biktima sa alyas na “Joseph,” isang parlor staff at residente ng Pabahay 2000 sa naturang barangay.
Ayon sa ulat ng pulisya, pasado alas-9 ng gabi nang biglang pumasok sa computer shop ang suspek na si alyas “Dodong,” na kapwa residente sa nasabing barangay.
Dito na umano walang sabi-sabing binaril ni Dodong ang biktima na agad binawian ng buhay.
Personal na alitan na may kinalaman sa ipinagbabawal na gamot ang tinitingnang motibo ng pulisya sa krimen.
ADVERTISEMENT
Sa ngayon, hawak na ng Tanza Police ang suspek matapos latagan ng hot pursuit operation.

