
Isinailalim na sa inquest proceedings ang aktibong pulis na si PSSg. Rodolfo Avila Maglang-awa Jr., 30-anyos, matapos umanong magwala, manakot, at magpaputok ng baril sa isang tindahan sa Brgy. Ibabang Dupay, Lucena City, madaling araw ng Sabado, Hulyo 12.
Batay sa ulat ng Lucena City Police, pasado alas-dos ng madaling araw nang bumili ng yelo ang lasing na suspek sa Baslan Store. Habang naroon, dumating si alyas Carl, isang estudyante, para bumili ng sigarilyo. Bigla umanong tinutukan ng baril ni Maglang-awa ang biktima kaya agad itong tumakbo palayo.
Makaraan ang ilang minuto, dumating sina alyas Lyniel at Kayla, kapwa estudyante rin. Pinaupo umano ni Maglang-awa si Lyniel habang hawak pa rin ang kanyang baril.
Nang paalis na ang dalawa, sinundan sila ng suspek at nagkaroon ng pagtatalo. Dito na umano pinalo ni Maglang-awa si Kayla gamit ang baril.
Dahil sa takot, nagtago sa loob ng tindahan ang mga biktima habang patuloy sa pagbabanta, pagsigaw, at pagpapaputok ng baril ang suspek sa labas ng establisyemento.
ADVERTISEMENT
Nahaharap ngayon si Maglang-awa sa mga kasong Grave Threats, Unjust Vexation, Physical Injury, at Illegal Discharge of Firearms, kabilang na ang isang administrative case para sa Conduct Unbecoming of a Police Officer.

