Handa ang pamahalaan na makipagdayalogo sa US government hinggil sa pagtaas ng taripa na ipinapataw ng US sa Pilipinas.
Simula kasi sa August 1, itataas na sa 20% ang taripa sa mga produktong ine-export ng Pilipinas papasok sa US. Noong Abril, naunang inanunsyo ng US na nasa 17% lang ang taripa.
Ayon kay Sec. Frederick Go, Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs, ikinababahala ng pamahalaan ang pagtaas ng taripang ipinapataw ng US.
Dahil dito, nakatakdang magtungo sa US sa susunod na linggo si Go kasama si Department of Trade and Industry Sec. Cristina Roque at mga undersecretary Perry Rodolfo at Alan Gepty.
“We remain committed to continuing negotiations with the US in good faith to pursue a bilateral comprehensive economic agreement or if possible an FDA [Free Trade Agreement],” ayon kay Go.
ADVERTISEMENT
Target ng pamahalaan na makipagpulong sa trade representatives ng US para maibaba ang ipinapataw na taripa.
“We will try to bring [the tariff] down if we can. Ang mas malaking bagay is if we can sign a free trade agreement. Dito po talagang makakahingi tayo sa Amerika ng specific tariff concession,” ayon kay Go.
Ang 20% taripa na ipinapataw ng US sa Pilipinas ay ikalawa sa pinakamababang taripa sa Southeast Asia, kasunod ng Singapore na may 10% taripa.

