Iginiit ni Senador Ronald ‘Bato’ Dela Rosa na suportado ng ‘Duter7’ o ng Duterte bloc ang muling pamumuno ni Senador Chiz Escudero bilang Senate President para sa ika-20 Kongreso.
Ayon kay Senador Bato, kinabibilangan ng ‘Duter7’ sina Senador Bong Go, Senador Robin Padilla, Senador Rodante Marcoleta, maging ang presidential sister na si Senador Imee Marcos, at ang magkapatid na Villar na sina Senador Camille at Mark Villar.
Pumirma na si Dela Rosa sa umano’y supermajority bloc resolution na magpapanatili kay Escudero bilang Senate President.
Bagamat kinumpirma na ni Senador Bato ang kanyang suporta, hindi niya pa kumpirmado kung ang kasama niya sa ‘Duter7’ ay nakapirma na sa resolusyon.
Nang tinanong kung bakit si Escudero ang susuportahan niya, iginiit ng senador na nagustuhan niya ang pagiging bukas at pakikinig ni Escudero sa mga kasamahan sa Senado.
ADVERTISEMENT
Paglilinaw niya, walang kaugnayan ang posisyon ni Escudero sa impeachment ni Bise Presidente Sara Duterte sa kanyang pagbibigay suporta kay Escudero.
Dagdag nito, walang kapalit na pangako o posisyon sa anumang kumite ang kanyang pagpirma sa resolusyon.
Malalaman kung sino ang susunod na Senate President sa pagsisimula ng ika-20 Kongreso sa Hulyo 28.

