Labi ng mga missing sabungero na itinapon umano sa Taal Lake, posibleng ‘sisirin’ ngayong linggo — DOJ | News Light

📅

Posibleng magsagawa ngayong linggo ng search operation ang pamahalaan para tukuyin ang kinaroroonan ng mga labi ng mga nawawalang sabungero.

Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, makikipagtulungan ang Philippine Coast Guard at iba pang ahensya ng pamahalaan upang sisirin ang Taal Lake, kung saan umano itinapon ang mga labi ng mga biktima.

Kung maikakasa ngayong linggo, umaasa ang pamahalaan na makikita pa ang mga buto ng mga biktima na isasailalim sa pagsusuri ng National Bureau of Investigation (NBI) sa pamamagitan ng DNA analysis.

Ang search operation ay kasunod ng testimonya ni Julie Patidongan, ang whistleblower sa kaso ng mga missing sabungero.

ADVERTISEMENT

15 pulis na sangkot umano sa pagpatay, hawak na ng PNP; dating judge, sangkot din umano

Hawak na ng Philippine National Police (PNP) ang 15 pulis na sangkot umano sa pagkawala ng mga sabungero mula pa noong 2021 hanggang 2022.

Ayon kay PNP Chief General Nicolas Torre III, galing sa iba’t ibang ranggo sa PNP ang mga suspek, kabilang ang isang lieutenant colonel.

ADVERTISEMENT

Tatlo sa mga suspek ay natanggal na sa serbisyo, isa ang nakatakdang magretiro, habang ang iba ay aktibo pa sa serbisyo.

Bukod sa mga pulis, may sangkot din umanong dating judge sa kaso ng mga nawawalang sabungero.

Kinausap na ni Justice Secretary Remulla si Chief Justice Alexander Gesmundo kaugnay nito.

ADVERTISEMENT

Nagkasa na rin ng sariling imbestigasyon ang Korte Suprema sa umano’y pagkakasangkot ng nasabing dating hukom sa kaso.