Tiniyak ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na isa nang programa ang ₱20 kada kilong bigas, lalo’t nakita na itong “achievable” at “sustainable” ang bentahan sa ilalim ng naturang presyo.
Binibili na ng National Food Authority (NFA) ang sariwang palay sa halagang ₱18 kada kilo, habang naglalaro sa pagitan ng ₱19 hanggang ₱23 kada kilo ang tuyong palay — mas mataas kumpara sa presyong ibinibigay ng ilang trader.
Bagamat limitado pa ito sa ilang pamilihan at sektor gaya ng indigent families at PWDs, iginiit ng Pangulo na makikita na ito sa mas maraming palengke sa mga susunod na panahon.
Kahapon, isinagawa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pilot testing ng pagbebenta ng ₱20 kada kilong bigas sa mga benepisyaryo ng Walang Gutom Program sa Maynila, Cebu City, at Caraga.
ADVERTISEMENT
Dahil dito, inaasahang mahigit 300,000 pang pamilya ang makikinabang sa pagbebenta ng murang bigas.
Maliban sa pinalawak na saklaw ng mga makakabili ng ₱20 kada kilong bigas, iginiit ng Pangulo na inaayos na rin ang daan-daang drying at processing facilities upang hindi na mapilitang ibenta ng mga magsasaka ang kanilang ani sa mababang halaga.
Ilulunsad din ang mga mobile soil lab upang tugunan ang epekto ng climate change sa produksyon at mahikayat ang mga kabataan na pumasok sa agrikultura.
DA, suportado ang panukalang Rice Act
ADVERTISEMENT
Upang mas mapagsilbihan ang mga magsasaka at mamimili, ipinahayag ng Department of Agriculture (DA) nitong Lunes ang suporta sa panukalang Rice Industry and Consumer Empowerment Act o Rice Act, na layong ibalik ang regulatory powers ng National Food Authority (NFA).
Ayon kay DA Spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa, kapag naisabatas ito, muling magkakaroon ng kapangyarihan ang NFA na mag-akredita ng mga retail outlet sa mga pamilihan at direktang magbenta ng murang bigas.
Sa ilalim ng kasalukuyang Rice Tariffication Law, limitado lamang ang papel ng NFA sa pagpapanatili ng 15-day buffer stock ng bigas.
Binanggit ni De Mesa na sa ilalim ng panukala, hindi na kailangang dumaan sa mga LGU o Food Terminal Inc. ang pamamahagi ng bigas, kaya’t mas mabilis itong makarating sa mga pamilihan.
ADVERTISEMENT
Dagdag pa niya, makatutulong ang pagbabalik ng kapangyarihan sa NFA upang maitakda ang floor price ng palay at maprotektahan ang mga magsasaka laban sa sobrang mababang presyo. (Giselle Crazo, Sarah Lagsac-Arsenio, Dawn Pamulaya/ News Light)

