
Patay ang isang Oil Depot Assistant Terminal Administrator matapos pagbabarilin ng nakamotorsiklong lalaki sa Sitio Central, Barangay Castanas, Sariaya, Quezon, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si alyas “Ronel”, 35-anyos, may-asawa at residente sa nasabing lugar.
Ayon kay PLt. Col. Marcelino Pipo Jr., hepe ng Sariaya PNP, bandang 10:30 ng gabi nang minamaneho ng biktima ang kanyang ADV motorcycle sa highway at sinundan ng motorsiklo na may sakay na lalaki na nakasuot ng itim na helmet at jacket.
Paglapit ng suspek, agad nitong pinaputukan si Ronel.
Nang bumulagta ang biktima, mabilis na tumakas ang salarin patungo sa Bi-boundary ng Candelaria at San Juan, Batangas.
ADVERTISEMENT
Nakuha sa crime scene ang ilang basyo ng bala.
Patuloy na iniimbestigahan ang motibo sa krimen at pinaghahanap na ng pulisya ang suspek.

