Nasa 157 estudyante sa Sibalom, Antique ang nakaramdam ng pagkahilo at pagsusuka matapos malanghap ang hindi pa natutukoy na kemikal.
Ayon sa pamahalaan ng Antique, 100 ang dinala sa Ramon Maza Sr. District Hospital, 20 sa Angel Salazar Memorial General Hospital, at 37 naman ang tinulungan ng mga medical responder sa Barangay Pis-anan Gymnasium.
Ang mga apektadong mag-aaral ay mula sa Pis-anan Elementary School at Pis-anan National High School.
Ayon kay Antique Integrated Provincial Health Office Information Officer Irene Duldoco, nakipag-ugnayan na sila sa Department of Health – Center for Health Development upang humingi ng tulong sa isang toxicologist na tutukoy sa uri ng kemikal na naging sanhi ng insidente.
ADVERTISEMENT
Tiniyak naman ni Antique Governor Paolo Javier na may mga doktor at nurse nang tumitingin sa kalagayan ng bawat mag-aaral.
Siniguro rin ni Antique Representative Antonio Legarda na may nakalaang tulong pinansyal para sa mga apektadong estudyante.

