Nagpakitang-gilas ang Barangay Ginebra San Miguel sa kanilang “never say die” spirit matapos maagaw ang panalo mula sa San Miguel Beermen, 73-71, sa unang laban ng PBA Season 49 Philippine Cup semifinals kagabi sa Mall of Asia Arena.
Bumangon ang Gin Kings mula sa 18-point deficit, sa tulong ng solidong depensa at kontribusyon ng kanilang bench players gaya nina Troy Rosario, Raymond Aguilar, at Ben Adamos na ginamit para bantayan si June Mar Fajardo.
Bagamat mintis si Jamie Malonzo sa kanyang free throws sa huling segundo, sinalo ito ni Stephen Holt na nakaiskor ng isa sa dalawang tira para tiyakin ang panalo ng Ginebra.
Si CJ Perez naman ang nanguna sa Beermen na may game-high 21 puntos at pitong rebounds, pero sumablay sa dalawang crucial three-point attempts na sana’y nagpanalo sa kanila.

