Hindi maikakaila ang kapangyarihan ng boto ng mga kabataan sa nakalipas na 2025 national and local elections, ayon iyan sa Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV).
Malaki kasi ang naging ambag ng youth vote sa pagkapanalo ng ilang senatorial candidate.
Ayon kay PPCRV spokesperson Ana Singson, hinatak pataas ng youth vote sina senatorial candidates Bam Aquino at Kiko Pangilinan.
Aniya, ibang-iba ang resulta ng mga survey na ginawa sa loob ng mga paaralan kumpara sa survey ng Social Weather Stations at Pulse Asia.
Ayon pa kay Singson, hindi ito kagulat-gulat dahil palaging mataas ang ranking nina Aquino at Pangilinan sa mga school survey.
Sa partial and unofficial count, nananatiling nasa ikalawang pwesto si Aquino na may higit 20.6 million votes, habang ikalimang pwesto si Pangilinan na may higit 15 million votes.
ADVERTISEMENT
Ito’y malayo sa mga naunang survey noong campaign season, kung saan nasa ikawalong pwesto pababa ang dalawa.
Ayon sa datos ng Commission on Elections, 60% ng mga botante ngayong halalan ay mula sa hanay ng mga millennial at Gen Z.
Higit 23 million ang mga millennial na edad 29 hanggang 44, habang higit 18.3 million naman ang mga Gen Z na edad 18 hanggang 28.

