Sasailalim na sa regular at mandatory drug test ang mga public utility vehicle (PUV) driver.
Ayon kay Transportation Secretary Vince Dizon, pipirma siya ng kautusan para sumailalim sa drug test ang mga PUV driver kada 90 araw o tatlong buwan.
Kinausap na rin ng kalihim ang LTO at LTFRB para gawing apat na oras ang maximum driving hours ng mga PUV driver, sa halip na anim na oras.
ADVERTISEMENT
Kasunod ‘yan ng sunod-sunod na road crash sa SCTEX na ikinasawi ng 10 katao at sa NAIA na ikinasawi ng dalawa.
Ilan sa mga buhay na nawala sa mga aksidenteng ito ay mga bata.
Ikinalugod naman ng Palasyo ang mga hakbang ng DOTr para maiwasan ang mga road crash at masiguro ang kaligtasan ng mga biyahero at motorista.
ADVERTISEMENT
Ayon kay Palace press officer Atty. Claire Castro, ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang agarang paghatid ng hustisya sa mga pamilya ng biktima.
Samantala, sa isang video, nag-abot ng pakikiramay si Pangulong Marcos Jr. sa mga naulila.
Aniya, sisiguruhin ng kanyang administrasyon na hindi na mauulit ang mga trahedya sa kalsada gaya ng nangyari sa SCTEX at NAIA.
ADVERTISEMENT
Handa rin aniya ang pamahalaan na panagutin ang may kapabayaan sa mga trahedya.

