Siyam na kandidato mula sa administrasyon ang patuloy na nangunguna sa tinatawag na “winner’s circle” ng senatorial race para sa May 2025 midterm elections, batay sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations.
Sa naturang survey, nangunguna si Senator Bong Go na nakakuha ng 45% ng suporta ng mga respondent—tatlong puntos na mas mataas kumpara sa nakaraang buwan.
Kasunod niya si ACT-CIS Representative Erwin Tulfo na nasa ikalawang puwesto, may 43% na voter preference.
Pumangatlo si Senator Lito Lapid na may 34%, habang magkasalo naman sa ikaapat at ikalimang pwesto sina dating Senate President Tito Sotto at Senator Pia Cayetano, na kapwa nakakuha ng 33%.
ADVERTISEMENT
Nasa ika-anim na pwesto si Senator Ronald “Bato” Dela Rosa na may 32%, habang tabla naman sa ikapito at ikawalong pwesto sina Senator Bong Revilla at broadcaster Ben Tulfo, na kapwa nakakuha ng 31%.
Bumaba si Ben Tulfo mula sa dating ika-tatlo hanggang ika-apat na pwesto, matapos makapagtala ng tatlong puntos na pagbaba sa suporta.
Umangat naman sa ika-siyam na pwesto si Makati Mayor Abby Binay na may 29%, habang si Las Piñas Representative Camille Villar ay nasa ika-sampung pwesto na may 28%. Pareho silang galing sa ika-labing-isa hanggang ika-labing-tatlong puwesto noong nakaraang buwan.
Samantala, si dating Senador Ping Lacson ay bumaba sa ika-labing-isang pwesto mula sa dating ika-pito hanggang ikawalong puwesto, matapos bumaba ang kanyang suporta mula 31% patungong 26%.
ADVERTISEMENT
At sa ika-labindalawang pwesto, pumasok si dating Senador Manny Pacquiao na nakakuha ng 25% voter preference.
Kinapos makapasok sa top 12 sina TV host Willie Revillame at Senator Imee Marcos, na parehong nasa ika-labintatlo hanggang ika-labing-apat na puwesto, kapwa may 24% na suporta.
Kasunod nila sina dating Senador Bam Aquino at Kiko Pangilinan, na kapwa nasa ika-labinlima hanggang ika-labing-anim na pwesto, may tig-21% na boto ayon sa survey.
ADVERTISEMENT
Isinagawa ang nationwide survey mula Abril 11 hanggang 15, 2025, na may 1,800 na rehistradong botante bilang respondents at margin of error na ±2.31%.

