Sa paggunita ng mga Kristiyano sa Semana Santa, nagpaabot ng mensahe si Senator Joel “Tesdaman” Villanueva upang ipaalala ang kahalagahan ng pananampalataya at pagmamahalan sa panahong ito.
Ayon kay Villanueva, ang pagkakapako ni Hesus sa Krus ng Kalbaryo ay isang malinaw na patunay ng dakilang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan. Kaya naman sa pagninilay at pagdiriwang ng Semana Santa, hinimok ng senador ang bawat isa na tanggapin at yakapin ang regalo ng kaligtasan, at patuloy na pagyamanin ang ugnayan sa Panginoong Diyos.
Binigyang-diin din ni Villanueva ang kahalagahan ng pagsasabuhay ng pananampalataya sa simpleng paraan—sa pamamagitan ng kababaang-loob, pagpapatawad, at pagtulong sa kapwa, lalo na sa mga may sakit at dumaranas ng matinding pagsubok.
Paalala rin ng senador na sa gitna ng mga hamon sa lipunan, lalo na ngayong panahon ng eleksyon, nararapat na maging mapanuri at matatag ang bawat Pilipino sa pagpili ng mga lider na maglilingkod nang tapat at may malasakit sa bayan.
Aniya, “Huwag nating hayaang maligaw tayo ng kasamaan sa ating pagpili. Sa halip, maging boses tayo ng katotohanan, katarungan, at kabutihan, ayon sa halimbawa ng Panginoong Hesu-Kristo.”
ADVERTISEMENT
Sa pagtatapos ng kanyang mensahe, tiniyak ni Senator Joel Villanueva ang kanyang panalangin para sa isang makabuluhan, mapayapa, at pinagpalang Semana Santa para sa bawat Pilipino.
“God bless us all,” dagdag pa ng senador.

