Ikinatuwa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang aksyon ng Commission on Elections laban sa mga kandidatong misogynist o ‘yung mga nagbitaw ng bastos na pananalita sa mga kababaihan habang nangangampanya.
Mababatid na sunod-sunod na naglabas ang Comelec ng show cause order para sa mga kandidato na posibleng may paglabag sa anti-discrimination and fair campaigning guidelines para sa 2025 midterm election.
Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, hindi katanggap-tanggap para sa Pangulo ang bastos na pananalita ng mga kandidato.
Iginiit ng Palasyo na hindi dapat pamarisan ang mga kandidatong misogynist.
Ayon pa kay Castro, kung noon ay tinatawanan o pinapalakpakan ang kabastusan ng mga kandidato o politiko, ngayon ay hindi na ito lulusot sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr.
ADVERTISEMENT
Nagpaalala naman ang Palasyo sa mga kandidato na manatiling may respeto, integridad, at katotohanan habang nangangampanya at nangangako sila sa mga botante.
Ilan sa mga kandidatong nakatanggap ng show cause order mula sa Comelec sina Pasig City congressional candidate Atty. Ian Sia, Batangas gubernatorial candidate Jay Ilagan, Misamis Oriental gubernatorial candidate Peter Unabia, at Davao de Oro gubernatorial candidate Ruwel Peter Gonzaga.

