Opisyal nang binuksan ang vaccine unit sa Center for Transboundary Animal Diseases (CenTrAD) sa Nueva Ecija na layong mag-develop ng bakuna para sa mga hayop, kontra sa mga sakit gaya ng African Swine Fever (ASF).
Naglaan ang Department of Agriculture (DA) ng ₱151 milyon para sa tatlong taong vaccine development program laban sa mga sakit tulad ng ASF, Foot-and-Mouth Disease (FMD), at Avian Influenza (AI).
Ang mga sakit na ito ay anila’y banta hindi lamang sa industriya ng livestock at poultry sa bansa, kung hindi pati sa national food security.
Paliwanag ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., bagamat may bakuna galing sa ibang bansa, mas epektibo na makapigil ng mga outbreak ang mga locally developed na bakuna na nakabase sa indigenous strains.
Dagdag pa niya, mahalaga ang mga pasilidad gaya ng vaccine laboratory na ito upang masolusyonan ang pagkatalo ng ekonomiya dahil sa ASF, AI, at FMD.
ADVERTISEMENT
Simula 2019 noong unang ASF outbreak, nalugi na ng bilyon-bilyon ang swine sector ng bansa; samantala, ang AI ay nagdulot ng pagkamatay ng higit 10 milyong manok simula noong outbreak nito noong 2017.
Kaya itinatag ang CenTrAD na proyekto ng DA Bureau of Animal Industry at Central Luzon State University na layong maging pangunahing pasilidad para sa diagnosis, surveillance, research, at technology development ng mga transboundary animal diseases.

