Arestado sa Caloocan City noong Sabado ang dalawa sa apat na suspek sa karumal-dumal na kaso ng double murder sa Zambales.
Mabilis na natunton ng pinagsamang pwersa ng Zambales, Caloocan City, at Central Luzon police ang mga akusado sa isang hotel sa Bagong Barrio.
Ayon kay Police Brigadier General Jerry Protacio, may kinalaman umano sa droga ang motibo sa pagpatay ng mga itinuturong salarin na sina alyas Jinky at Benedict.
Nasamsam mula sa kanila ang isang caliber .38 revolver at ang sasakyang ginamit bilang getaway.
Madaling araw ng Agosto 14 nang makarinig ang isang residente ng pagharurot ng sasakyan at mga putok ng baril sa Palauig, Zambales.
ADVERTISEMENT
Bandang 6:30 ng umaga nang madiskubre ng saksi sa isang kanal sa tabing kalsada ang bangkay ng dalawang babaeng itinago sa pangalang Khang-Khang at Leng-Leng.
Ayon sa paunang imbestigasyon, natagpuan sa crime scene ang limang .45 caliber casing, lighter, mga ubos nang pakete ng hinihinalang ilegal na droga, pera, at mga personal na gamit ng mga biktima.
Patuloy naman ang paghahanap ng kapulisan sa dalawa pang suspek. (Kent Bicol/ News Light)



