Nakita sa karagatan ng Luzon ang ₱700 milyong halaga ng shabu na nasabat sa Plaridel, Bulacan noong Hunyo 28.
Ayon sa ulat ng Philippine National Police-Drug Enforcement Group (PDEG) nitong Lunes, posibleng bahagi ito umano ng tinaguriang “floating shabu” na nakuha mula sa ibang probinsya.
Sa isang press briefing sa Camp Crame, sinabi ni PDEG Director Brig. Gen. Edwin Quilates na basa ang 103 kilo ng shabu at ang apat na patong ng tea bag na pambalot nito, kaya’t iniimbestigahan nilang posibleng mula ito sa dagat.
Isa sa mga naarestong suspek ay isang Chinese national na si “Lian,” na may tindahan ng seafood at maliit na kainan, at higit sampung taon nang naninirahan sa bansa kasama ang kanyang kinakasama.
Ayon kay Quilates, susuriin ng mga awtoridad ang mga dokumento ng banyaga upang alamin ang kanyang estado ng paninirahan sa Pilipinas.