₱200 Na Dagdag Sahod Bawat Araw: Kamara, Inaprubahan ang Wage Hike para sa mga Minimum Wage Earners | News Light

📅 June 4, 2025 06:16 PM PHT  |  ✏️ Updated June 4, 2025 06:39 PM PHT
👤 Mark Joseph Espinosa  |  📂 Featured, Latest News, News Light

Sa botong 171-1-0, Inaprubahan ng House of Representatives ang House Bill No. 11376 o “Wage Hike for Minimum Wage Workers Act,” na magdaragdag ng ₱200 sa araw-araw na sahod ng lahat ng minimum wage earners sa private sector, maging regular man, contractual, sub-contractual, agricultural o non-agricultural. Ayon sa tala ng Kamara, isang boto lamang ang bumoto ng “No” upang ipagkait ang dagdag, habang walang abstention.

Kabilang sa mga pangunahing nagtaguyod ng panukalang batas ang Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) party-list Rep. Democrito Raymond Mendoza, Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas, ACT Teachers party-list Rep. France Castro, Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel, Cavite, 1st District Representative Ramon Jolo B. Revilla III, CIBAC party-list Rep. Bishop Bro. Eddie Villanueva, at iba pa.


“Every Filipino employee’s dignity must be upheld by ensuring that they are given not only what is just but what is humane. This legislated wage hike is a moral step toward fairness in the face of rising prices and stagnant wages,”

sabi ni Rep. Bishop Bro. Villanueva, isa sa mga author ng panukalang batas.


“This is not just an economic and social measure — it is a Biblical and ethical duty. The Bible reminds us that ‘the worker deserves his wages’ (Luke 10:7). We must act with justice and compassion for the nation’s workforce,”

dagdag nito.

Sa ilalim ng batas, obligadong dagdagan ng ₱200 kada araw ang basic pay ng mga minimum wage workers sa private sector. Upang hindi mabigatan ang maliliit na negosyo, puwedeng mag-apply ng exemption ang micro-enterprises sa service sector (retail na may hindi hihigit sa 10 empleyado) at ang mga Barangay Micro Business Enterprises (BMBEs)

Inatasan ng naturang batas ang Department of Labor and Employment (DOLE) na bantayan ang implementasyon nito kung sakaling maging batas, magsagawa ng inspeksyon sa payroll at financial records ng mga employer, at maglabas ng kaukulang patakaran. Ang lalabag ay maaaring magmulta ng ₱50,000–₱100,000 o kaya’y makulong nang hanggang apat na taon, at kailangang bayaran ng doble ng hindi naibigay na dagdag sahod sa mga manggagawa.

Matapos ang final reading sa Kamara, ipapasa na ang panukala sa Senado para sa bicameral conference upang pagkaisahin ang bersyon ng mataas at mababang kapulungan. Sinabi ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na handa ang Senado na makipagtulungan sa mabilis na pag-apruba ng wage hike bill.