Arestado ang isang negosyanteng babae at nakumpiska ang tinatayang ₱20.4 milyong halaga ng shabu sa ikinasang buy-bust operation sa Cebu, ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) nitong Linggo.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Ann,” 36 anyos, may-ari ng isang flower shop, na inaresto sa Barangay Cansojong, Talisay City nitong Sabado.
Tatlong pakete ng hinihinalang shabu na may bigat na tatlong kilo, marked money, dalawang cellphone, iba’t ibang ID, ATM cards, at mga transaction notes ang nasamsam mula sa suspek.
Dinala na ang mga ebidensiya sa PDEA-7 laboratory para sa pagsusuri at tamang disposisyon.
Sa ngayon, nakakulong si “Ann” sa isang himpilan ng PDEA habang inihahanda ang kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.