Nakahanda nang ilunsad ng pamahalaan ang ₱2.5-bilyong fuel subsidy program sa harap ng bantang pagtaas ng presyo ng langis dahil sa tensyon sa Middle East.
Iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang agarang distribusyon ng ayuda, ayon kay Transportation spokesperson Mon Ilagan.
Pinapaspasan na rin ng LTFRB at DICT ang pag-finalize ng listahan ng mga kwalipikadong benepisyaryo, at nakikipag-ugnayan din ang Department of Transportation (DOTr) sa Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa mga tricycle driver at sa ibang ahensya para sa ride-hailing services.
Sa sandaling tumaas ang presyo ng langis ng ₱5 sa diesel at ₱3 sa gasolina kada litro, agad nang ihahatid ang ayuda.
Gayunpaman, iginiit ng transport group na Manibela na itaas sa ₱8,000 ang bawat subsidy mula sa dating ₱6,500.
Umaasa silang mailalabas ang ayuda bago o sa July 10.
Pero tiniyak naman ni Transportation Secretary Vince Dizon na hindi muna tataas ang pamasahe upang hindi mabigatan ang mga pasahero.